Caloocan Liturgical Seminar - May 1, 2005
Wednesday, July 13th, 2005Ako, Noel M., Sheila, Celina, Persia, Precious, Victor…
“Ha?!?? Pito lang tayo? Sa dinami-dami natin sa grupo, bakit ang konti natin ngayon? ‘Asan na ang iba?”
Yan ang una kong reaksyon nang malamang may Lit Sem palang gaganapin sa Caloocan noong hapong iyon. Naisip ko nakakahiya naman ang bilang namin kung ikukumpara dun sa nakaraang Lit Sem sa Pampanga. Pero di bale, sabi ni Persia. “Kering-keri natin yan at magagaling naman tayo. Andiyan pa rin naman si Padre.” Naks, naisip ko. Lakas ng fighting spirit nito a. Pero teka, ang problema kasi, TAYO na mismo ang magbibigay ng seminar, hindi na si Father… At AKO ang unang tatayo dun sa harap para magbigay ng talk! Panic! Akala ko kakayanin ko na nang matapos kong panoorin ang video ng talk ni Father sa Pampanga. Kaso hindi e. Mas kinabahan ata ako. Mahirap pantayan ang pagiging bibo ng paring iyon. Baka di ko kayanin… Hay, bahala na si Batman.
Sakto lang din pala ang bilang namin kasi halos 30 lang ang nagsipagdalo, at karamihan pa sa kanila’y mga kabataan. Ayus, naisip ko. Mas madali akong makaka-relate pag nagkwento ako dahil hindi kalayauan ang edad ko sa kanila. At ayun… Sa kabutihang palad, pumatok naman kahit papaano ang mga biro’t hirit ko sa kanila. Ang akin na lang e, sana may natutunan sila sa akin kahit pakiramdam ko nagmukha akong timang sa harap. Mukha namang meron silang natutunan sabi nila. Nasabihan din naman akong “Very good” ni Father matapos akong magpakitang-gilas sa harap kaya ayus na rin sa akin.
Masaya palang magsalita sa harap at makita ang mga mukha nilang tumutungo, umiiling at sumasagot sa mga tanong mo. Sa 30 minutong pagsasalita, marami na rin pala akong mahahalagang naibahagi sa kanila. Kahit kaunti lang ang dumalo, nakatutuwang isiping hindi lang sa 30 tao ko naipabahagi ang aking kaalaman ukol sa pag-awit sa misa. Ang iba pa nilang kasapi sa koro na wala noong dalawang hapong iyon, maging ang kanilang buong komunidad, ay nabahagian din ng karunungang ito. Habang pinanonood ko magsalita sa harap sina Precious, Sheila at Celina (na eksperto na ata sa Vocal Training & Exercises), Persia, at Victor, naisip ko kung gaano kalaking tulong ang ibinabahagi ng buong C5 sa mga pangkaraniwang taong tulad ng mga parokyano ng Sacred Heart. Nakatataba ng puso tuwing may lalapit sa akin upang magpasalamat dahil sa marami silang natutunan sa grupo. Nakatutuwa ring makita ang lumalaking interes nila sa C5. Unti-unting nakikilala ang grupo dahil sa ating pag-awit at sa pagbibigay ng mga seminar tulad nito. Akalain n’yong hinahanapan pa tayo ng friendster account, cell numbers at yahoo ID’s? O di ba? Sikat daw. Nakakaaliw.
Pagkatapos ng lahat ng mga nagsipagsalita, matapos ang mga sharing at workshops na ginanap, at syempre pa ang walang kamatayang pagkanta ng “Kapayapaan”, nagkaroon ng misa sa kanilang simbahan noong hapon ng linggong iyon. Nagmistulang isang on-the-job-training ang misa para sa kanila, upang malaman kung may natutunan nga ba sila sa dalawang hapong pakikinig sa amin. Kasama ang buong tropa ng C5 at ang iilan pang humabol noong hapong iyon (Salamat Roma at Edz!), ang mga taga-Sacred Heart ay buong pusong umawit at tumugtog para sa misang inialay naming lahat sa Kanya.
Sa kabuuan, naging matagumpay din naman ang seminar. Kahit na kakaunti lamang kami… kahit na pinagpawisan, nawalan ng boses, at napagod ang buong tropa… kahit na walang nabenta si Ayie sa mga dala niyang Tanging Yaman CD’s at libro… Di bale na. Natuwa naman ang karamihan sa amin. Lubos na nagpasalamat naman silang lahat sa mga natutunan nila mula sa amin. Makita lamang ang taos-puso nilang mga ngiti ay sapat na para sa amin… …
At ang pinakamasaya sa lahat, hindi naman kami umuwing gutom. Kumain naman kami sa Max’s pagkatapos. Hehehe. (Sarap! Salamat nga pala, Kuya Jowett at Ate Lurleen.) At bilang kapalit sa libreng pakain, sa mainit na pagtanggap sa amin ng mga taga-Sacred Heart, sa kanilang pakikinig, sa mga ngiti’t halakhak, aming inihandog ang awiting ito para sa kanila…
“May the road rise to meet you. May the wind be always at your back. May the sun shine warm upon your face, the rains fall soft upon your fields… and until we meet again… until we meet again… May God hold you in the palm of His hand.”
Sabi nga sa kanta, hanggang sa muli nating pagkikita, mga kaibigan…
Maraming salamat sa inyo!
- Tricia
