Isanlibo’t-isang Mukha
November 11th, 2005 by cantocinco
Ron Dator. Sa pangalan pa lamang, mababakas nang isa nang parikala o ironiya ang taong ito. Kung ganong kasimple at straight-forward ang kanyang pangalan, gayon naman kasophisticated and versatile ang kanyang pagkatao.
Sa una, katauhan ng isang analyst ang mahihiwatigan kay Ron…isang taong maraming tanong, maraming sagot, maraming opinyon. Ang sabi ko nga’y pwede na siyang magtayo ng bangko ng mga ideya, takbuhan para sa mga taong nakakapos sa brain power.
Hindi maaaring ikaila ang kanyang matinding pagnanasa na maayos at mapalinaw ang mga bagay-bagay na nasa paligid niya kung kaya sa katagalan, nagmimistula na siyang ‘buzz boy’ Boy Abunda. Inaalam niya ang bawat kwento, ang bawat sikretong pinalalago ng bulung-bulungan, ito upang lalo pang maintindihan at mapalapit sa mga tao sa kanyang paligid.
Paglipas ng panahon, ang isang totoong Ron ang matatangalan ng suklob. Nakilala ko ang Ron na mahilig tumawa, kumanta, kumain, maglaro ng Ragna, maghanap ng pianito. Ang Ron na napapaos, nacoconscious, napapagod. Dito nagsisimulang sumibol ang pagtitiwala na sumasanga naman sa napakagandang pagkakaibigan. Dito nakilala ko rin ang higit na pormal at seryosong Ron. Ang Ron na masipag sa trabaho, ang Ron na sumusunod sa curfew, ang Ron na maalaga sa Lolo, ang Ron na nagpapahalaga sa pamilya at kaibigan. Sa pagkakataong ito, unti-unti niyang ibinabahagi ang misteryo ng kanyang pagkatao. Kumbaga sa isang payaso, ito na ang panahon kung kailan niya tinatanggal ang kanyang maskara at ipinakikilala ang sarili niya sa totoong mundo ng walang pag-aalinlangan.
Si Ron… alinman man sa isanlibo’t isa nyang katauhan ang kanyang isuot, parati pa rin kaming (taga Canto Cinco) magpapasalamat dahil sa likod ng lahat ng iyon, nakilala namin ang isang natatanging kaibigan sa kanya.
Maligayang Bati Ron!
~edz~





